Quantcast
Channel: Manila Today
Viewing all articles
Browse latest Browse all 1786

Piston, No To Jeepney Phaseout Coalition, nagdeklara ng tigil-pasada sa Disyembre 4-5

$
0
0

Kasado na ang panibagong pambansang tigil-pasada ng No To Jeepney Phaseout Coalition at PISTON sa Disyembre 4 at 5 bilang protesta sa nalalapit na deadline ng pagpasada ng mga lumang jeepney pagpasok ng taong 2018 alinsunod sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.

“Ito ang makatarungang tugon ng mga drayber ay operators sa pagdidiin ni Pangulong Duterte at ng Department of Transportation o ang DOTr na ipapatupad ang proyektong jeepney phaseout. Sa katunayaan, si Duterte mismo ang nagsabi na simula Enero 1, 2018 ay guguyurin na o hahatakin niya ang lumang jeepneys. Sinundan pa ito ng pahayag ni DOTR Sec. Thomas Orbas na simula Enero 1, 2018 ay tatanggalin na ang mga lumang jeep alinsunod sa utos ni Duterte,” pagbabasa ng pahayag ng No To Jeepney Phaseout Coalition sa inilunsad na press con kaninang umaga sa Maynila.

Paglilinaw ng mga grupong mangunguna sa transport strike, hindi sila tutol sa modernisasyon.

“Una sa lahat, kami ay hindi tumututol sa modernisasyon. Subalit naninindigan kami na huwad ang pinamumukhang modernisasyon ng rehimeng US-Duterte. Dahil bibigyang-daan lamang nito ang monopolisasyon ng mga oligarkiya sa pampublikong transportasyon. Hinihiling namin na ibasura ang DOTr Deparment Order 2017-011 o ang Omnibus Franchising Guidelines at bumuo muli ng panibagong modernization program na hindi nangwawasak ng kabuhayan, bagkus ay programang patungo sa pagpapatupad ng nationalized, efficient at affordable sa public na mass transport system,” ayon sa No To Jeepney Phaseout Coalition.

“Tinututulan natin itong iskema ng gobyerno na pinagpapanggap nilang modernization, pero hindi po ito yung modernization. Kami po sa PISTON ay naninindigang walang modernization program ang pamahalaang Duterte. Ang umiiral na programa ay walang iba kundi isang malaking marketing program para sa pagbebenta ng mga mamahaling sasakyan,” ani George San Mateo, Presidente ng PISTON.

Dagdag ni San Mateo, nag-aastang tagabenta si Duterte ng mga mamahaling sasakyang ipapalit sa mga jeepney ng mga drayber at operator.

“Itong mga mamahaling sasakyang ito, itong mga Euro-4, electric jeep, solar, at iba pa. Ang number one salesman ng mga mamahaling sasakyan na ito ay si Pangulong Duterte. Dahil nagbibigay siya ng deadline sa January 1 na kung ‘di tayo bibili ng sasakyan sa January 1 ay guguyurin niya o hahatakin niya ang ating sasakyan,” sabi ni San Mateo.

“Ang mga mamamahaling sasakyan na Euro-4, gayundin ang mga mga e-jeepney na dispalinghado at hindi angkop sa klimang tropikal at kabundukan ay nagkakahalaga ng P1.4 hanggang 1.8 million o kasinghalaga ng isang SUV ay hindi kayang bilhin ng mga maliliit na operator. Lalo pa minimum na 10 unit kada prangkisa ang kailangang ipaari o patakbuhin ng fleet management corporations,” ayon sa No To Jeepney Phaseout Coalition.

Ayon sa alyansa, mababaon sa utang ang 250,000 na operator at 600,000 drayber sa buong bansa at magdudulot ng tiyak na masaker sa kabuhayan.

“Ang jeepney phaseout ay isang paraan ng pagpapapogi ni Duterte sa mga malalaking dayuhan at lokal na kapitalista. Matatandaan nitong nakaraang linggo, itinulak ni Duterte ang 100% ownership na pumapabor sa dayuhang korporasyon,” giit ni San Mateo.

Para sa mga drayber at operator na lalahok sa tigil-pasada, ang welga na lamang ang naiiwang solusyon sa kanila para abatan ang napipintong pagkawala ng kanilang kabuhayan.

Sunod-sunod ding nagpahayag ng pakiisa, nanawagan ng suporta at nanghingi ng suporta ang mga grupo ng drayber na lalahok sa tigil-pasada.

“Nananawagan po ako ng suporta para sa ating gagawing tigil-pasada sa December 4 at 5. Nakikiisa po ang buong Rizal sa gagawin na tigil-pasada,” anang kinatawan ng No To Jeepney Phaseout Rizal Alliance.

“Kami po ay nakahanda na sa paglahok sa tigil-pasada at kami po ay nanawagan sa mga mamamayan at sa mga nakakarinig sa pagpapaabot namin sa panawagan na lumahok at makiisa sa dalawang araw na strike na itinakda sa patuloy na pagtutol at pagkontra sa Department Order na pag-phaseout sa mga jeepney. Hindi na po ito usapin ng phaseout, kundi ito po ay pagpatay na sa maliit na operator na itinakda ng ating pangulo… Kami ay humihingi ng paumanhin at paunawa sa lahat sa darating na tigil-pasada,” anang kinatawan ng Marikina Transport Council.

“Biro niyo kung kayo ay nag-abroad, nakabili kayo ng isang jeep, mawawala lang iyon, mababalewala. At mapapalitan ng milyon ang halaga na hindi naman kayang bayaran ng operator. Kaya maraming maliit na operator ang susuporta sa tigil-pasada dahil nakikita nilang mawawalan sila ng kabuhayan. Maaapektuhan din ang mananakay, dahil kung mawawala ang jeep, tataas ang pasahe dahil ‘di maaari ‘yun manatiling eight pesos pa rin. Iilan lang din ang nakakaalam na kumpunihin itong mga bagong sasakyang ito, kaya pati ‘yung mga mekaniko natin sa bansa mawawalan din ng kabuhayan. Kaya kami sa Novaliches, buong puso kaming lalahok sa tigil-pasada,” anang kinatawan ng Novaliches Transport Alliance.

“Handang-handa na po ang mga drayber at operator sa buong Region 4. Lahat na ng ahensya, ultimo ang mga local government ay ginagamit na ng Malacañang para takutin ang mga drayber. Katunayan may pasabi na sa amin na lahat ng lider ng PISTON dito sa Southern Tagalog ay ipapaaresto…Wala na pong takot ang lahat ng tsuper sa Timog Katagalugan. Dahil kapag hindi naman lumaban ang mga tsuper at operator ay mawawalan din naman tayo ng kabuhayan. Parang pagpatay na rin sa ating mga pamilya,” anang kinatawan ng Starter ng Timog Katagalugan.

Idinadaing din ng mga drayber at operator ang mga panggigipit sa kanila sa loob ng PUVMP ng gobyerno.

“Una iyong puwersahan na pagbili ng mamahaling sasakyan. Alam naman natin na ang presyo niyan P1.4 to P1.8 million, cash price ‘yan.  Dahil ang programa ng gobyerno, 7 years to pay, 6% per annum, aabutin ng P2.1 million ang halaga ng sasakyan.  Pangalawa, ‘yung requirement ng gobyerno na minimum na 10 unit para magkaroon ng prangkisa. Pangatlo, ang pwede lang mag-aaply ng prangkisa ay ‘yon lang mga korporasyon. Yun po ‘yung panggigipit kasi sa ganoon pong iskema, mape-phaseout ‘yung mga maliliit ang operator. ‘Pag may fleet corporation na, kakanselahin na ang prangkisa ng mga may single unit,” paliwanag ni San Mateo.

Sa ganitong halaga at paraan ng pagbabayad, tinatayang aabot sa P25,000 kada buwan ang hulog sa bagong unit ng jeep.

Wala raw pagkukunan nito ang mga drayber at operator na kung minsa’y sapat lang sa pagkain sa maghapon ang kinikita buhat ng pagmamahal ng presyo ng petrolyo at lumalalang trapik sa Kamaynilaan.

Giniit din ni San Mateo na hindi sila tutol na pagandahin ang sasakyan at iyon sana ang pwedeng isulong sa ilalim ng rehabilitasyon, ngunit mas prayoridad umano ng gobyerno ang pagnenegosyo ng mga bagong sasakyan at ng sistema mismo ng pampublikong transportasyon.

Nang tanungin kung ano ang tugon ng mga drayber sa sinasabi ng LTFRB na kakanselahin ang prangkisa ng mga lalahok sa tigil-pasada, tugon naman ni Misael Melinas, tagapagsalita ng No To Jeepney Phaseout Coalition na “Isang malinaw na banta iyon para takutin kami na huwag lumahok. Kung anuman ang mangyari doon, kamatayin na rin ang hinusga sa amin kapag phinaseout ang jeep namin. Kaya tuloy ang welga namin sa 4 and 5.”

Nagpahayag din ng suporta at paglahok ang Kilusang Mayo Uno at Gabriela sa transport strike at protestang bayan sa December 4 and 5. Magkakaroon ng apat na protest center sa Kamaynilaan. Ito ay sa Cubao, Alabang, Monumento at Novaliches.

Bahagi naman ng mga dati nang opisyal na tugon ng DOTr at ng Land Transport Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga hinaing na ito ng No To Jeepney Phaseout Coalition at PISTON ang sumusunod:

  • Laman ng PUVMP ang fleet modernization (vehicle modernization o pagpapalit ng unit ng sasakyan) at regulatory reform (pagbibigay sa mga lokal na pamahalaan ng mandato ng pagbibigay ng prangkisa, pagsasagawa ng pag-aaral sa route rationalization, atbp.)
  • Magbibigay ng P80,000 subsidyo ang gobyerno sa pagkuha ng bagong unit at ito ang gagamiting downpayment sa pangungutang sa bangko para sa isang unit ng sasakyan, kaya’t walang ilalabas na pera ang mga drayber o tsuper na lilipat sa iskemang ito.
  • Hindi lugi ang mga drayber at operator, bagkus ay kikita sila dahil may 43% savings ang mga Euro-4 compliant na mga sasakyan, mula sa 16 tao ang naisasakay ay magiging 22 na at low-to-zero maintenance cost dahil bago ang unit.
  • Magiging coop ang lahat ng operators sa nasasakupan nilang erya. Sa lokal na pamahalaan na sila kukuha ng prangkisa ng fleet at magpapatupad ng route rationalization.
  • Hindi korporasyon ang makikinabang kundi mga local manufacturers na magdidsenyo ng unit, mga Pilipinong manggagawa na gagawa ng sasakyan, mga drayber at operator na lalaki ang kita, mga commuter na matagal nang nagtitiis sa luma, hindi ligtas at hindi kumportableng sasakyan
  • Pinabubulaanan ng DOTr at LTFRB na aabot sa P20 ang pasahe sa ejeep at iba pang makabagong unit na ipapalit sa kasalukuyang jeepney.
  • Walang phaseout. Mananatili ang mga jeeps sa kalsada, pero sa pagkakataong ito ay bago at moderno na.

Sa hearing sa Mababang Kapulungan ng Kongreso hinggil sa PUVMP noong Oktubre 19, hindi umano tiyak alin sa mga inilalabas ng DOTr at LTFRB na mga modelo ng sasakyan ang pinal na gagamitin. Pero lumalabas din sa mga pahayag ng DOTr sa Facebook account nito na inaaral gamitin pare-pareho ang e-jeepney at ang Isuzu (at iba pang mga tatak) na sasakyan na mukhang mini-bus. Matapos ang transport strike noong Oktubre, sinabi na rin ng mga ahensya ng gobyerno na gagamitin din ang kasalukuyang modelo ng jeep na gagawin Francisco Motors na tila tugon nito sa batikos ng PISTON at ng ilang mambabatas na puro imported ang ipapalit sa mga bagong jeep at papatayin nito ang lokal na manupaktura at pamilihan sa jeep.

Sa hearing din na iyon sinabi ng DOTr na balangkas pa lang ang mayroon ang PUVMP at wala pang buong programa at pag-aaralan pa ng DOTr ang epekto ng programa sa mahihirap at sa ekonomiya.

Wala ding direktang sagot ang DOTr at LTFRB kung magkakaroon ng taas-pasahe bunsod ng PUVMP, kundi pinabubulaanan lang nito ang pahayag ng PISTON na aabot sa P20 ang minimum na pasahe sa mga bagong jeep. Pinaghalawan naman ng PISTON ang P20 sa kasalukuyang presyo ng pamasahe sa ejeep na tumatakbo sa Katipunan, gayundin ang  bayad kada tao sa e-trike sa Maynila.

The post Piston, No To Jeepney Phaseout Coalition, nagdeklara ng tigil-pasada sa Disyembre 4-5 appeared first on Manila Today.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 1786